Reading Time: 2 minutes
OFW in libya Pinoys
Filipino parishioners at St. Francis Church during the observance of Palm Sunday and in praying for peace in Libya. The mass was celebrated by Bishop George Bugeja, OFM. (photo from PH Embassy/@PHLibya)

Tiniyak ng gobyerno ng Pilipinas ang kahandaang magpatupad ng mandatory repatriation sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Libya sa oras na lumala ang kaguluhan doon at itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 4 ang sitwasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na katunayan ay nakatakdang magpapadala siya ng augmentation team sa Libya sa darating na Abril 16 bilang pre-emptive action sakaling kumalat pa ang giyera doon.

Ayon kay Sec. Bello, sagot ng gobyerno ang gastusin sa pagpapauwi ng mga kababayan sa Libya lalo na ang mga documented Filipino workers.

Pero dahil sa sitwasyon, kahit ang mga undocumented o mga iligal na nakapasok sa Libya ay tutulungan at ililibre na rin ng gobyerno dahil sila ay kababayan o Pilipino pa rin.

Sa ngayon, nakataas na ang Alert Level 3 sa Libya kung saan nagpatupad na ang gobyerno ng total deployment ban o bawal ng mag-deploy ng OFWs sa Libya, bagong aplikante man o mga nagbabalik na manggagawa.

Umiiral na rin ang voluntary repatriation kung saan pwede ng makauwi ng libre ang mga OFWs na naiipit at delikado na ang kalagayan sa Libya.