Todo paliwanag ngayon si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Mocha Uson hinggil sa kinahaharap nitong reklamo dahil daw sa pagpapakalat daw ng fake news.
Sa panayam ng media sa National Bureau of Investigation (NBI), sinabi ni Uson na “honest mistake” ang kanyang nai-post sa social media.
Ang isyu ay nag-ugat sa pag-post ni Uson sa social media ng mga personal protective equipments (PPEs) na binili umano ng Department of Health (DoH) pero ito pala ay donasyon ng isang pribadong kumpanya.
Paliwanag ni Uson, ang intensiyon lamang niya ay malaman ng publiko na hindi pinababayaan ng pamahalaan ng mga health worker at frontliners sa kasagsagan ng laban sa Coronavirus disease 2109 (COVID-19).
Sinabi ni Uson na nai-share niya sa social media ang aniya’y good news at may nagamit daw siyang larawan na mula sa isang mainstream media.
Ngunit, nagkamali rin daw ang naturang print media sa larawan.
Aminado si Uson na nagkamali rin siya sa paggamit ng naturang larawan kaya agad na humingi ng tawad.
Hindi naman nagulat si Uson sa reklamo laban sa kanya at sa katunayan ay nagtungo siya sa NBI ngayong araw upang magpaliwanag.