Nasa Malacañang na ngayon si Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad at kausap si Pangulong Rodrigo Duterte.

Pasado alas 3 kanina, dumating sa Palace grounds si Mahathir at ginawaran ito ng welcome ceremony na kinabibilangan ng full-military honors at 21-gun salute.

Matapos nito, ipinakilala nina Pangulong Duterte at Mahathir ang kani-kanilang mga miyembro ng gabinete o delegasyon.

Kaninang 2:30 rin ng hapon, nanguna si Mahathir sa wreath-laying ceremony sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Maynila.

Kabilang sa schedule sa pagbisita ni Mahathir ang bilateral meeting kay Pangulong Duterte, joint press statement at state banquet mamayang gabi.

Una ng nakipagpulong si Mahathir kina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Senate President Vicente Sotto III kaninang umaga sa Makati City.