-- Advertisements --

Muling binigyan diin ni Deputy Speaker LRay Villafuerte ang kahalagahan nang pagkakaroon ng komprehensibo at patas na pagdinig sa franchise renewal application ng ABS-CBN.

Sa plenary session ng Kamara kahapon, sinabi ni Villafuerte na maraming mga issues na kinasasangkutan ng ABS-CBN ang dapat na masagot ng kompanya.

Kabilang na aniya rito ang umano’y paglabag ng media giant sa mga batas hinggil sa media ownership, election laws, labor laws at tax laws.

Pero sinabi ng Lopez-led broadcast company na naipaliwanag na nila ang kanilang posisyon sa iba’t ibang issue na ibinabato laban sa kanila noon pang Pebrero sa pagdinig ng Senado.

Kahapon, nagdesisyon ang Kamara na bawiin ang second reading approval ng House Bill 6732 na gumagawad sa ABS-CBN ng provisional franchise para makapag-operate sila ng hanggang Oktubre 31, 2020.

Ito ay kahit pa noong nakaraang linggo ay inaprubahan na ng Kamara sa first at second reading ang naturang panukala sa loob lamang ng isang araw.

Iginiit ni Villafuerte na kailangan pakinggan sa isang malawakang pagdinig ang lahat ng usapin na kinakaharap ng ABS-CBN para lahat ng panig ay mapakinggan.