Umaasa si Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite sa huli ay mamayani ang hustisya at demokrasya sa oral arguments ng Korte Suprema hinggil sa Anti-Terror Act.

Nawa ay makita aniya ng mga SC justices na ang naturang batas ay ang siyang tunay na banta lalo na sa kamay ng mga aniya’y pasistang tagapatupad nito.

Banta ito sa demokrasya, sa karapatang pantaon, at sa iba pang kalayaan at karapatan ng taumbayan na protektado ng Saligang Batas, ayon kay Gaite.

Sa katunayan, nakahanda na nga aniya ang “anti-democracy war hawks and attack dogs” ng Duterte administration para sa pagpapatupad ng batas na ito.

Iginiit ni Gaite na ginagamit na ito ng pamahalaan upang paratangan ang ilang indibidwal, lalo na ang mga kritiko ng gobyerno.

-- Advertisement --

Bukas, Pebrero 2, nakatakdang simulan ng Korte Suprema ang kanilang oral arguments sa kontrobersyal na batas matapos itong hindi natuloy kamakailan dahil sa request ni Solicitor General Jose Calida makaraang magpositibo sa COVID-19 ang kanyang staff.

Kabuuang 37 petisyon ang inihain sa Korte Suprema kontra Anti-Terror Law.

Nanugnguna sa pitong presenters sa panig ng mga petitioners ay si dating Solicitor Genral Jose Anselmo Cadiz.