VIGAN CITY – Ipinapatupad na umano sa Pakistan ang iba’t ibang precautionary measures upang maiwasang kumalat ang coronavirus disease 2019 sa iba’t ibang panig ng nasabing bansa.

Ito ay dahil mayroon ng dalawang kaso ng COVID- 19 sa Pakistan at ayaw na umano ng kanilang pamahalaan na madagdagan pa ito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan ni Dr. Rafi Ullah, isang Pakistani national, sinabi nito na kagaya ng mga ibang bansa, bago umano makapasok sa airport sa Pakistan ang mga taong galing sa labas ng nasabing bansa, tinitingnan na umano ang kanilang body temperature sa pamamagitan ng thermal scanner.

Aniya, kung makita umano ng mga Pakistani airport authorities na mataas ang temperatura ng isang tao, kaagad umano itong ilalagay sa isolation at saka isasailalim sa quarantine procedures.

Sa ngayon, nananatiling kalmado ang lahat ng residente sa Pakistan kaugnay sa nasabing isyu ngunit nananatiling alerto upang hindi mahawaan ng nasabing virus.

-- Advertisement --