-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Nasa 4,204 na kapulisan ang ipapakalat sa buong Western Visayas para sa ligtas na obserbasyon ng All Saints Day o Undas ngayong taon.

Ayon kay P/Maj. Mary Grace Borio, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-6 na hindi pa kabilang sa naturang bilang ang mga force multipliers na umaabot sa 9,888, mga volunteers mula sa mga civic organizations, barangay tanod at iba pa.

Magtatalaga rin ang PNP ng mga police assistance desks sa labas ng mga sementeryo at mga lugar na kailangan ang kanilang presensiya.

Sa kabila umano na walang natukoy na banta sa seguridad sa nalalapit na Undas, ngunit muling ipinaalala ni Maj. Borio sa publiko ang mahigpit na pagsunod sa minimum health standard sa pagbisita sa mga sementeryo.

Ang mga alak, paninigarilyo, baraha at iba pang gambling items, malalakas na speakers, at matalim na bagay o deadly weapons ay mahigpit na ipinagbabawal.

kailangan rin na ang mga bumibisita ay palaging magsuot ng face mask.

Dahil halos dalawang taon na nagpatupad ng restrictions sa galaw ng mga tao dulot ng COVID-19 pandemic, inaasahan ang pagbuhos ng mga tao matapos na payagan ang face to face na pagbisita sa mga sementeryo.

Ang security plan para sa Undas 2022 ay magsisimula sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.