-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nasa 2,373 na healthcare workers ang nakatanggap na ng Sinovac vaccine kontra coronavirus disease (COVID-19) mula sa walong pampublikong ospital, limang pribadong ospital at 19 na rural health unit sa lalawigan ng Aklan.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan, nagkaroon ng extension ang pagbabakuna hanggang ngayong araw ng Lunes, Marso 15 upang maubos ang natanggap na 2,420 na Sinovac vaccine ng lalawigan.

Sinimulan ang pagbabakuna noong Marso 10, 2021 sa ABL Sports and Cultural Complex sa mga healthcare workers ng Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital at iba pang mga pampubliko at pribadong ospital.

Sinabi ni Cuatchon na isa sa mga nakaramdam ng side effects ay isinugod sa ospital matapos na makaranas ng hirap sa paghinga.

Kaugnay nito, umaasa ang PHO-Aklan na lalo pang mahikayat ang publiko na magpapabakuna laban sa nakamamatay na sakit dahil sa magandang resulta ng isinagawang vaccination sa mga healthcare workers.

-- Advertisement --