NAGA CITY – Mahigit P4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng otoridad sa magkapatid na suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Naga City.

Kinilala ang magkapatid na sina Sean Edward Majencar 25-anyos at Edgar Majencar na isang call center agent 26-anyos at residente ng Barang Tabuco.

Napag-alaman na ikinasa mismo ng pinag-isang pwersa ng PDEA at PNP ang operasyon sa mismong bahay ng mga suspek.

Narekober umano sa posisyon ng mga ito ang pinaniniwalaang shabu na may bigat na 600 grams at nagkakahalaga ng P4,080,000.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Barangay Chairman Elisa Carmona, kinumpirma nito na matagal na umanong minamanmanan ng otoridad ang bahay ng mga suspek.

Ayon sa barangay official, una rin aniyang nahuli ang ama ng mga suspek sa kaparehong kaso.

Ito na ang pangalawang malaking operasyon ng otoridad kontra droga matapos na marekober rin kahapon ang mahigit 1 milyong halaga ng shabu sa ikinasa ring buy bust operation sa Barangay Balatas ng nasabing lungsod.