Nasabat ngayong araw ng Bureau of Customs ang nasa P238.2 million halaga ng kush o dried marijuana sa 12 balikbayan boxes mula sa Thailand na dumating sa Manila International Container Port.
Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) director Verne Enciso, nadiskubre ang naturang mga kontrabando sa isinagawang physical examination mula Marso 3 hanggang 8 ng kasalukuyang taon.
Ito ay matapos maglabas ng alert order ang Customs intelligence laban sa nasabing mga kargamento laman ang balikbayan boxes makaraang matanggap ang impormasyon na naglalaman ang mga ito ng mga iligal na droga at iba pang misdeclared at undeclared items.
Ang 5 balikbayan bloxes na ipinadala sa mga indibdiwal na nagngangalang Gerard at Erika Cruz ay nadiskubre na naglalaman ng 126 pakete ng marijuana na may tinatayang halaga na P78 million.
Ang iba pang batch ng 5 balikbayan boxes ay naglalaman naman ng 138 na pakete ng parehong iligal na droga na may tinatayang halaga na P78 million habanga ng 2 pang balikbayan boxes na ipinadala sa nagngangalang Jonathan/Francis Ayala ay nadiskubreng may lamang marijuana na nagkakahalaga ng P76.2 million na isinilid sa food packages at mga kumot.
Kasalukyang ikinandado sa container ang mga nakumpiskang kontrabando habang nakabinbin pa ang imbentaryo at trun-over ng mga ito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).