Nahuli ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) ang 41 mga driver ng motorsiklo sa isinagawang operasyon sa Metro Manila.
Ito ay bahagi ng mas mahigpit na implementasyon ng ‘No Registration, No Travel’ policy.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na pagsisimula pa lamang ito ng kanilang mas mahigpit na implementasyon ng ‘No Registration, No Travel’ policy kung saan kanilang babantayan ang mga lansangan.
Tuloy-tuloy aniya ang kanilang operasyon sa buong Metro Manila, lalo na ang mga pangunahing lansangan dito.
Una rito, inatasan na rin ni Asec Mendoza ang mga LTO Regional Directors na magbantay sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan.
Maliban dito, inatasan din ng naturang opisyal ang mga Regional Directors na higpitan ang koordinasyon sa mga Regional police command at mga lokal na pamahalaan kasabay ng mas mahigpit na implementasyon sa naturang programa.
Hinigpitan ng ahensiya ang pagpapatupad sa naturang polisiya kasunod na rin ng inilabas nitong maraming bilang ng mga delikwenteng may ari ng sasakyan.
Sa datos ng LTO, 25.7 milyong sasakyan mula sa kabuuang 38.3 million ang natukoy bilang delikwente.