-- Advertisements --

Mahigit 3,000 residente sa ikalimang distrito ng Leyte ang nakatanggap ng tig-P3,000 ayuda sa ilalim ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Isinagawa ang payout sa gymnasium ng Baybay City, Leyte nitong Miyerkoles.

Ang AKAP ay isang programa na isinulong ng Kamara de Representantes sa pangunguna ni Speaker Martin G. Romualdez kung saan ang mga mahihirap at “near-poor” o kumikita ng minimum wage o low-income earners sa informal sector ay binibigyan ng tulong pinansyal.

Pinangunahan nina House Deputy Secretary General Ponyong Gabonada, ang kumatawan kay Speaker Romualdez at Leyte 5th District Rep. Carl Cari ang payout activity.

Nakasama nila ang mga alkalde sa ikalimang distrito na sina Mayor Lemuel Gin K. Traya ng Abuyog, Mayor Nathaniel B. Gertos ng Bato, Mayor Jose Carlos L. Cari ng Baybay City, Mayor Manuel R. Villhermosa ng Hilongos, Mayor Botty A. Cabal ng Hindang, Mayor Rogello D. Pua Jr. ng Inopacan, Mayor Michael Dragon T. Javier ng Javier, Mayor Ronaldo T. Lleve ng Mahaplag at Mayor Eric S. Pajulio ng Matalom.

Sa kanyang mensahe, iginiit ni Gabonada ang pagnanais ni Speaker Romualdez na maipagpatuloy ang paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan ng administrasyong Marcos. Sinabi nito na ang Eastern Visayas, ang home region ni Speaker Romualdez, ay nananatiling top priority.