Isa ang sugatan habang aabot naman sa 28 pamilya o 113 na mga indibidwal ang nawalan ng tirahan sa pagguho ng pader sa bahagi ng Valenzuela City.
Ayon sa mga kinauukulan, ang naturang insidente ay dulot ng walang humpay at tuluy-tuloy na mga pag-ulan na dala ng pananalasa ng hanging Habagat sa bansa.
Kwento ng mga residente, bandang alas-7:00 ng umaga pa lamang kahapon, Setyembre 3, 2023 ay naramdaman na nilang bahagyang umuuga ang naturang pader bago ito tuluyang gumuho bandang alas-9:00 ng umaga na nagsanhi naman ng malaking pinsala sa mga kabahayang nakapaligid dito.
Paliwanag ng mga otoridad, ang tuluy-tuloy na nararanasang mga pag-ulan na nagpalambot sa lupa sa nasabing lugar ang isa sa mga dahilan ng pagguho ng nasabing pader na nagbunsod naman pagbagsak ng malaking puno sa nasabing lugar sa mga kabahayang nakapaligid dito.
Agad namang naisugod sa pagamutan ang isang nasaktan mula sa naturang pangyayari upang agad na isailalim sa orthopedic treatment.
Habang apektado 17 mga naapektuhang pamilya naman ang nagmula sa Barangay Mapulang Lupa, at 11 pamilya ang nagmula sa Barangay Ugong ng nasabing lungsod.
Umapela naman ni Valenzuela City Vice Mayor Lorie Natividad-Borja sa mga residente na huwag na munang bumalik sa kanilang mga tirahan hangga’t hindi pa natitiyak ng City Engineering Office ang kaligtasan sa lugar at kung maaari pa rin itong pagtayuan ng mga tirahan ng mga residente.
Kasabay nito ay nangako naman ang Department of Social Welfare and Development at ang mga lokal na pamahalaan na magpapaabot ng tulong para sa biktima ng nasabing trahedya.