Reading Time: 1 minute
Mayweather
Floyd Mayweather/ IG image

Inaabangan ang maraming mga boxing fans ang umano’y nakatakdang anunsiyo ni retired US boxing champion Floyd Mayweather Jr.

Sa kaniyang social media account, nag-post ito ng video at sinabing may mahalaga daw itong iaanunsiyo na maaaring mangyari ngayong araw o kaya bukas.

Maraming mga boxing experts tuloy ang nagsabi na maaaring pumayag na ito sa hamon ni Filipino boxing champion Sen. Manny Pacquiao para sa rematch.

Samantala, sa ngayon tanging “like sign” lamang ang reaksyon ni Pacquiao sa kanya namang sariling personal account kaugnay sa nabanggit na social media post ni Floyd.

Nauna nang sinabi ni Mayweather na hindi na ito babalik sa boxing at nakatuon na ang kaniyang atensiyon sa kaniyang mga negosyo.

Magugunitang noong Enero ay hinamon ni Pacquiao si Mayweather matapos na magwagi ito sa laban kontra kay Adrien Broner.

Ang kanilang naunang laban ang itinuturing sa kasaysayan ng boxing na may pinakamalaking kinita sa takilya at maging sa mga premyo na kanilang natanggap.

Kamakailan lamang din ay marami rin ang nasorpresa sa biglang pagdating sa Pilipinas ng American undefeated champion.