ILOILO CITY – Inimungkahi ni dating Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Perfecto Yasay Jr. na magtulungan sa halip na batikusin ang pamahalaan sa mga ipinapatupad na precautionary measures laban sa novel coronavirus.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Yasay, sinabi nito na mas makakabuti para sa bansa na magtulungan ang lahat upang hindi na kumalat ang nasabing respiratory disease.

-- Advertisement --

Ayon kay Yasay, kapuri-puri ang collective efforts ng mga ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng lunas ang mga persons under investigation, persons under monitoring at ang mga nagpositibo sa novel coronavirus.

Inihayag ni Yasay na ginagawa ng DFA ang lahat upang matulungan ang mga Overseas Filipino Worker sa mga bansang may kaso ng bagong coronavirus at mas makakabuti rin aniya na ipagpatuloy ng mga opisyal ng gobyerno ang pananaliksik hinggil sa nasabing virus.

Samantala, may negatibong epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ayon sa dating kalihim ang pagpapatupad ng travel ban sa mga foreign national galing China, Macau at Hong Kong.