CAUAYAN CITY – Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng Sta. Maria Police Station para matukoy ang bumaril at pumatay sa isang magsasaka habang natutulog sa kanilang bahay sa Sitio Gutgutao, Villabuena, Sta. Maria, Isabela.

Ang biktima ay si Michael Julian, 28 anyos at residente rin ng nabanggit na barangay.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, natutulog si Julian nang pumasok ang suspek at pinagbabaril siya sa ulo at katawan gamit ang Caliber 45 na baril na nagresulta ng kaniyang agarang kamatayan.

Pinaghahanap ng mga pulis ang tumakas na suspek matapos ang pamamaril.