CENTRAL MINDANAO- Patay on the spot ang isang lalake matapos itong barilin at hindi pa nakuntento ang suspek ay sinaksak pa dahil sa alitan sa pagitan ng dalawa sa Alamada, Cotabato.

Ang biktima ay nakilalang si Leonardo Carob, 51 anyos, magsasaka at residente ng Brgy. Malingin, Libungan, Cotabato at ang suspek naman ay kinilalang si Ariel Entera, 25 anyos at nakatira sa Brgy. Guiling, Alamada, Cotabato.

Batay sa ulat ng PNP-Alamada, napadaan lamang ang biktima sa tahanan ng suspek nang sila ay biglang nagtalo at nagpalitan ng maaanghang na salita.

Maya-maya pa ay pumasok ang suspek sa bahay niya kung saan kinuha na nito ang kaniyang shotgun at binaril ang biktima ng dalawang beses.

Hindi pa nakuntento ang suspek at nagawa pa nitong saksakin ang biktima gamit ang isang kutsilyo.

Agad namang binawian ng buhay si Carob dahil sa natamong multiple gunshots at stab wounds.

Nahuli naman ng pulisya ang suspek at sinampahan ng kasong pagpatay.