NAGA CITY – Patay ang isang 40-anyos na lalaki matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. San Ramon, Siruma, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Jose Tubale, 40-anyos, magsasaka, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO) napag-alaman na habang nasa kalagitnaan ng inuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan ng bigla na lamang itong pinagbabaril ng hindi nakilalang suspek.

Base sa imbestigasyon, nagtamo ng tama sa ulo ang biktima kung saan nagawa pa umano itong isugod sa ospital ngunit ideneklara na itong dead on arrival ng mga doctor.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkakakilanlan ng suspek at sa motibo ng nasabing krimen.