-- Advertisements --

Mapipilitan ang Kamara na ipaaresto ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na si Krizle Mago kung hindi sisipot sa kanilang imbestigasyon, ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability vice chairman Johnny Pimentel.

Sinabi ito Pimentel isang araw matapos na maglabas ng subpoena ang Kamara para kay Mago, na sinasabing hindi na ma-contact sa ngayon kasunod ng pagsasabi nito sa imbestigasyon naman ng Senado na binago nila ng Pharmally ang expiration dates ng mga face shields na binili ng pamahalaan.

Kung iitsapuwera ni Mago ang subpoena na ito, sinabi ni Pimentel na mapipilitan silang humingi ng warrant of arrest laban sa naturang Pharmally official.

Iginiit ni Pimentel na dapat mabigyan ng linaw ang issue sa umano’y tampering sa expiration date ng mga face shield gayong hindi naman ito katulad ng pagkain na basta-bastang nasisira.

Kahapon, sa isang statement, sinabi ni Mago na hindi siya nawawala o nagtatago.

Kinailangan daw niyang iproseso ang lahat ng mga nangyayari sa kanya sa kasalukuyan at ang pressure na kanyang nararamdaman kasunod ng pagharap niya sa imbestigasyon ng Senado.

Nilinaw din nito na hindi siya kailanman pinagbantaan ng sinuman mula sa Pharmally, at tiniyak ang kanyang kooperasyon sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Kongreso.