Binawi ni Krizle Mago ang mga kontrobersiyal na pahayag nito sa Senado patungkol sa mga biniling personal protective equipment ng pamahalaan mula sa Pharmally Pharmaceuticals Corp. sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability matapos na humingi ng protective custody sa Kamara, sinabi ni Mago na “pressured response” ang pagsabi niyang dinaya nila ang pamahalaan bukod pa sa emosyunal na rin siya noong mga panahon na iyon sa aniya’y traumatic experience na ito.
Mariing pinabulaanan din nito ang alegasyon ng hindi pinangalanang witness sa isang video na ipinakita ni Sen. Risa Hontiveros sa pagdinig sa Senado na pawang damaged o sira na ang mga items na binili ng pamahalaan mula sa Pharmally.
Sa katunayan, mariing sinuri pa nga ang stocks nila ng face shields para maihiwalay na kaagad ang mga damaged at i-repack naman ang mga nasa maayos pang kondisyon para ang mga ito ang siyang kanilang ibibigay sa pamahalaan.
Sa prosesong ito nangyari aniya ang pagkahalo-halo ng mga product certificates, pero malinaw aniya sa dalawang dokumento na hindi expired ang kanilang face shields.
Nakasulat aniya sa naunang product certificate na ang face shields nila ay ginawa noong April 2020 at mayroon itong validity na tatlong taon, habang ang bagong sertipikasyon naman ay mayroong production date na April 2021 na may validity ng hanggang dalawang taon.
Kabaliktaran ito ng naunang testimonya ni Mago sa Senado na inutusan daw siya ng isa pang opisyal ng Pharmally na baguhin ang production dates ng mga face shields na ito.
Iginiit ni Mago na ang kanilang face shields, na hindi medical grade, ay pasok sa Technical Specifications ng Department of Health.