Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na 6.3 magnitude na lindol ang tumama kaninang alas-12:22 ng tanghali sa Magsaysay, Davao del Sur.

Ang epicenter ay matatagpuan 06.70°N, 125.16°E – 006 km S 08° E ng Magsaysay.

“Tectonic” ang origin ng nasabing lindol na may lalim na 15 hanggang 16 kilometro.

Ayon kay Dante Senja ng PHIVOLCS, nasa intensity 5 ang naramdaman sa Kidapawan City, Koronadal City, South Cotabato.

Intensity 4 naman sa Alabel, Kiamba, Sarangani, General Santos City at South Cotabato; Intensity 2 sa Cagayan de Oro, Gingoog, Misamis Oriental; at Intensity 1 sa Cagayan de Oro, Misamis Oriental.

-- Advertisement --

Inaalam na ng NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) kung may pinsalang idinulot ang malakas na lindol at aasahan ang aftershocks.

Pinagalaw na ng pamahalaang lokal ng Davao del Sur ang kanilang damage assessment team para matukoy ang pinsala ng lindol.

Ayon naman sa Kidapawan-City Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pamamagitan ni Psalmer Bernalte, nasa 100 pamilya ang ililikas ng pamahalaang lokal mula sa Mt. Apo.

Bukas, magpapatupad aniya sila ng forced evacuation sa mga hindi lilikas.