KALIBO, Aklan – Arestado ang 23-anyos na lalaki makaraang nakawan ang isang babaeng naliligo sa isla ng Boracay.

Kinilala ang suspek na si Anthony Baliguat, residente ng Brgy. Unidos, Nabas, Aklan habang ang biktima ay nakilala naman kay Justine Allison Erenea, 23, residente ng Brgy. Balabag sa nasabing Isla.

Naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa harap ng isang hotel sa Station 1 sa isla ng Boracay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Malay Municipal Police Station, iniwan umano ng biktima ang kaniyang bag sa beachfront kung saan nakalagay ang kanyang cellphone, camera at iba pang mga gamit.

Tinabunan niya lamang ito ng kanyang scarf at saka naligo kasama ang kaibigan ngunit pagbalik nito ay wala na ang bag ng biktima.

Kaagad namang nahuli ang suspek at nasa kostudiya na ngayon ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.