BACOLOD CITY – Sugatan ang magkapatid na dalawa at tatlong taong gulang makaraang sinaksak ng gunting ng kanilang mismong ama sa lungsod ng Bacolod, Negros Occidental.

Dakong alas-6:45 nitong Miyerkules ng umaga nang sinaksak ni Elmer Laruan sa leeg ang kanyang anak na lalaki at babae sa kanilang bahay sa Purok Paraiso, Sitio Sibucao, Brgy. Banago.

Sa pag-usisa ng Bombo Radyo Bacolod, sa leeg ang sugat ng dalawang bata.

Nagluluto umano ng almusal at nagtitimpla ng gatas ang misis ni Laruan na si Cherry nang narinig nito ang iyak ng kanyang mga anak.

Nang tiningnan ng ina, duguan na ang dalawang bata at natuklasang sinaksak ito ng kanyang mister gamit ang gunting.

Kaagad na dinala sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital ang mga biktima.

Nahuli naman ng mga pulis ang ama at nakakulong ngayon sa Police Station 3.

Sa imbestigasyon, 10 ang kabuuang mga anak ni Laruan at ang mga biktima ay pangwalo at pangsiyam sa magkakapatid.

Lumalabas din sa pag-usisa na “bangag” o high sa iligal na droga ang suspek.

Sa katunayan, hindi pa ito makausap ng Bombo News Team nang binisita sa Police Station 3.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here