Inabisuhan na ngayong umaga ang siyam na munisipalidad sa probinsya ng Isabela hinggil sa posibleng maging epekto ng gagawing pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.
Inisa-isa ni Engineer Maximo Peralta, assistant weather services chief ng Hydrometerology division ng PAGASA, ang mga lugar na maaapektuhan nito ay ang: Ramon, San Mateo, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Naguilian, Burgos at Gamu.
Ang mga nabanggit na lugar ay kalapit lamang ng Magat River. Inaasahan namang aabot ng dalawang metro ang pakakawalang tubig ng naturang dam.
Madali aniyang mapuno ng tubig ang Magat dam dala na rin ng magdamag na buhos ng ulan dahil sa bagyong Rolly.
Kailangan umanong buksan ang mga gates ng dam tuwing panahon ng bagyo dahil kng malakas daw ang buhos ng ulan ay mabilis din ang pagtaas ng water level sa dam.