Nilinaw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na mananatili itong contact tracing czar ng bansa hanggang sa makahanap ang pamahalaan ng ipapalit sa kaniyang kasalukuyang posisyon.

Ito ay kasunod nang paghahain ni Magalong ng “irrevocable” resignation matapos madawit sa isang kontrobersyal na enggrandeng birthday party sa Baguio ng sikat na event organizer na si Tim Yap.

Ayon kay Magalong, tuloy-tuloy pa rin naman ang kaniyang trabaho dahil pinakiusapan umano ito nina testing czar Sec. Vince Dizon at chief implementer of COVID-19 National Task Force Sec. Carlito Galvez Jr. na manatili muna sa kaniyang posisyon hangga’t naghahanap pa sila ng ipapalit sa alkalde.

Sa ngayon niya ay umaasa na lang si Magalong na tumaas pa ang bilang ng mga contact tracers ngayong taon kumpara noong huling quarter ng 2020.

Aminado ang alkalde na nasa encoding ang isyu kung kaya’t malaki ang impact ng budgetary costing, pero gumagawa naman daw ng paraan ang mga local officials upang madagdagan ang mga contact tracers sa bansa. Inaaral na rin aniya nila na ibalik ang lahat ng contact traces noong huling quarter ng nakaraang taon.

-- Advertisement --

Subalit ayon dito, kung mismong kay Pangulong Rodrigo Duterte na raw manggagaling na manatili siya bilang contact tracing czar ay wala siyang magagawa kundi ipagpatuloy ang kaniyang trabaho.

Magugunita na nagpataw ng P1,500 ang lokal na pamahalaan ng Baguio sa halos 30 bisitang dumalo sa nasabing birthday party dahil sa malinaw nitong paglabag sa umiiral na COVID-19 protocols.

Hindi rin nakaligtas sa multa ang asawa ng alkalde na si Arlene Magalong.

Pinatawan din ng P9,000 na multa ang Manor sa loob ng Camp John Hay kung saan ginawa ang party dahil sa paglabag nito sa local rules na pagsusuot ng face mask, physical distancing at iba pang new-normal protocols.

Una nang iginiit ng MalacaƱang na hindi nito tatanggapin ang inihaing resignation ni Magalong.