LA UNION – Malungkot na Pasko ang sumalubong sa magkapatid matapos mamatay ang kanilang mga magulang makaraang salpukin ng pampasaherong bus ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kahabaan ng San Pablo, Balaoan, La Union.

Nakilala ang mga nasawi na sina Robert Laude, residente ng Bulbulala, Balaoan; at Edraline Nullar, taga-Bigbiga, Sudipen.

Sugatan naman ang ngayo’y mga naulilang sina Vinzon Laude, siyam na taong gulang at Patrik Laude, taong gulang.

Base sa ulat mula sa Balaoan Police Station, kapwa tinatahak ng dalawang sasakyan ang timog na direksyon nang biglang mabangga ng Viron bus ang sinusundan nitong motorsiklo ng mga bikima.

Tumilapon sa kalsada ang mag-aamang sakay ng motorsiklo na nagresulta sa malubha nilang pagkakasugat.

Dead on arrival sa pagamutan si Laude, habang hindi na rin nakayanan pa ni Nullar kahit pa siya ay nilapatan ng lunas.

Inilipat naman sa isang pagamutan sa San Fernando City ang kanilang mga anak na ngayon ay patuloy na inoobserbahan.

Samantala, sumuko na sa mga otoridad ang bus driver na si Eduardo Arellano, 49, taga-Vigan City na ngayon ay patuloy na iniimbestigahan.