KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Malay Police Station sa pagbaril sa mag-ina ng umano’y mga guwardiya dahil sa away sa lupa sa Barangay Balabag sa isla ng Boracay.

Kinilala ang mga biktima na sina Liberty Asuncion, 50, at anak nitong si Edwin, 23, kapwa residente ng naturang lugar.

Base sa imbestigasyon, habang naghahapunan ang mag-ina nitong Linggo ng gabi nang biglang pumasok sa kanilang kusina ang apat na armadong kalalakihan at sila ay pinagbabaril.

Nakilala ang bumaril sa kanila gamit ang pinaghihinalaang 12-gauge shotgun na si Generoso Agduganan, 54, tubong Zamboanga del Sur; kasama ang mga kasabwat na sina Sonny Boy Roquero, 45, ng Valderama, Antique; Romeo Villarias, 38, ng Tapuz Compound sa isla at isang kinilalang Marlon alyas Tatang, 50, na at-large sa kasalukuyan.

Agad na isinugod ang mag-ina sa pribadong ospital sa isla dahil sa mga tama sa leeg, ngunit si Liberty ay inilipat sa isang private hospital sa Kalibo.

Narekober ng pulisya sa lugar ang mga basyo ng shotgun.