GENERAL SANTOS CITY – Arestado ang mag-asawa matapos mahulihan ng mga eksplosibo sa checkpoint sa Barangay Apopong, lungsod ng General Santos dakong ala-1:00 ng Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Camlon Tikamsa, 50; at Fayno Ticamsa, 45, kapwa residente ng Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Ayon kay Capt. Dave Estorninos, spokesperson ng Joint Task Force-GenSan, pinababa ang lahat ng pasahero ng bus para inspeksyunin.

Dito ay napansin ang kahina-hinalang kilos ng dalawa na may dalang bag kaya ito’y kinuha at doon nakita ang dalawang fragmentation grenade at isang improvise blasting cap.

Galing ang bus sa Tacurong City papuntang General Santos kung saan may seminar sanang dadaluhan ang mag-asawa sa Barangay San Isidro.

Sa mga nakuhang dokumento at IDs ng mag-asawa, miyembro umano ang dalawa ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Sa ngayon, nasa kustodiya ng Makar Police Station ang mag-asawa at patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon.