CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang mag-ama matapos itong pagtatagain ng kanilang kapitbahay sa Pungol, Libona, Bukidnon.

Kinilala ang mga biktima na sina Eddie Baculio, 46, at Jason Baculio, 25, parehong residente sa naturang lugar.

Sinabi ni Libona Municipal Police Station commander Capt. Dino Cuevas, matinding galit ang motibo sa krimen kung kaya’t napatay ni Teddy Baguio, 36, ang mga biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na sinuntok ng mag-ama si Baguio sa loob ng sabungan at sinundan pa nila ito sa pag-uwi dala ang kanilang itak at improvised shot gun.

Sinubukan pa umano ng mga biktima na patayin si Baguio ngunit naagaw ng suspect ang itak at improvised shot gun.

Sa nangyaring komosyon, nataga ang leeg ni Eddie at naputol ang kamay habang natamaan naman sa dibdib si Jason na nagresulta sa kanilang kamatayan.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspect na kasalukuyang ginagamot sa ospital dahil sa natamong sugat sa paa.