CAUAYAN CITY – Patay ang mag-ama matapos na malunod sa Pinacanauan River, sa Angancasilian, Cabagan, Isabela.

Ang mga biktima ay sina Loreto Salas Jr, 48, tricycle driver at kanyang anak na si Mia Marloreth Salas, 13, kapwa residente ng Centro, bayan ng Sto. Tomas sa nasabing lalawigan.

Ang mag-ama, kasama ang kanyang ilang kamag-anak, ay nagtungo sa nasabing ilog upang mag-picnic.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Sgt. Noel Limtuaco, imbestigador ng Cabagan Police Station na lumalangoy ang anak nang madako sa malalim na bahagi ng ilog sanhi para malunod.

Sinubukan ni Salas na iligtas ang kanyang anak ngunit dahil sa malalim na tubig at hindi marunong lumangoy ay tuluyan din siyang nalunod.

Hinanap ng mga kamag-anak at mga tumulong na mga magsasaka at pulis ang mag-ama at nang matagpuan ay kaagad dinala sa ospital ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.