NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang mag-ama matapos malunod sa Dumaca River sa Purok Sariling Atin, Barangay Gulang-Gulang, Lucena City.

Kinilala ang mga biktima na sina Rolando Dacer, 30, at ang 10-anyos na anak nito.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Lucena City Police-PNP, nabatid na lango sa alak ang padre de pamilya nang inalok nito ang anak na lumangoy sa nasabing ilog.

Hanggang sa aksidenteng nakarating ang dalawa sa malalim na bahagi ng ilog na naging daan para tangayin ang mga ito ng malakas na agos ng tubig.

Matapos ma-rescue, sinubukan pa sanang itakbo sa ospital ang mga biktima ngunit hindi na naagapan pa ang mga buhay nito.