Katuwang ang mga baranggay officials ng Bacoor City ay sinimulan na ngayong araw ang pamimigay ng P6,500 tulong pinansyal para sa mga taga-Bacoor bilang parte ng Social Amelioration Program ng gobyerno dahil sa negatibong epekto ng coronavirus pandemic.
Tumagal ng 4 na araw ang pamamahagi ng naturang Social Amelioration Card (SAC) forms sa halos 73 barangay sa Bacoor. Naglaan ang lokal na pamahalaan ng Bacoor ng 80K SAC forms na sinimulang ipamigay noong nakaraang linggo.
“Wala pang isang linggo mula ng malaman namin na ito ay i-implement ng DSWD sa aming Lungsod ay makakatanggap na ang ating mga kababayang Bacooreño ng financial assistance mula sa Social Amelioration Program,” pahayag ni Mayor Lani Mercado-Revilla.
Ayon kay Bacoor City Mayor Lani Revilla, kaagad nilang ibinigay sa mga Bacooreno ang tulong pinansyal na kanilang kinakailangan dahil alam umano nito na nahihirapan ang kaniyang nasasakupan sa pang-araw-araw.
Inamin din ng alkalde na kulang ang natanggap nilang 80K SAC forms dahil umabot na sa 148K kabahayan ang mayroon sa lungsod at tinatayang posible pang umabot sa 170K households kung isasama raw ang iba pang naapektuhan ng Luzon-wide Enhanced Community Quarantine.
“Kami ay nagrereport sa DSWD on a daily basis ng actual and current situation ng mga kababayan namin sa lahat ng barangay para malaman agad nila ang kakulangan sa allocation na kanilang ibinigay. Minamadali na natin ang distribution nito para matapos namin ang unang allocation at makapag-request ng additional slots sa DSWD para sa mga hindi nabigyan sa unang batch,” paliwanag ng alkalde.
Sisiguraduhin naman ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Bacoor sa pangunguna ni Mayor Revilla na matutugunan ang pangangailangan ng mga Bacooreno lalo na at na-extend pa hanggang April 30 ang ECQ sa buong Luzon.