Iniulat ng Land Transportation Office (LTO) na mahigit 270,000 sasakyan ang nag-renew ng kanilang expired registration noong nakalipas na buwan.
Ginawa ng ahensiya ang naturang pahayag matapos linawin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tanging ang mga hindi nag-consolidate na pampasaherong dyip at iba pang pampublikong sasakyan na nakarehistro sa LTO ang pinapayagang mamasada hanggang Abril 30 ng kasalukuyang taon.
Sa isang statement, iniulat ng LTO na nasa 198,283 motorsiklo ang nag-renew, 20,427 kotse, 34,436 utility vehicles, 12,123 sports utility vehicles, 5,617 taxis, 1,098 tricycles, at 168 buses na ang nag-renew ng kanilang registration mula Enero 1 hanggang 31.
Pinakamtaas na bilang ng mga sasakyang nag-renew ng kanilang registration sa LTO ay sa National Capital Region na nasa 48,490.
Sinundan ito ng Calabarzon na nasa 39,680; Central Visayas na nasa 30,021 at sa Central Luzon na nasa 25,456.
Ayon kay LTO chief ASec. Vigor Mendoza II na nagsasagawa sila ng regular na pagbisita sa kanilang regional offices para maipromote ang No Registration, No Travel policy.
Layunin nito na magkaroon aniya ng maayos, mabilis at may malasakit na serbisyo sa ating mga kababayan lalo na ng mga mananakay.