-- Advertisements --
image 372

Target ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbukas ng tatlo pang ruta para sa mga pampublikong bus at dyip sa gitna ng nakatakdang suspensiyon ng operasyon ng Philippine National Railways (PNR).

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2023-020, kabilang dito ang mga ruta ng FTI-Divisoria patungong East Service Road at Alabang (Starmall)-Divisoria patungong South Luzon Expressway (SLEX) para sa public buses.

Habang sa modern public utility jeepneys naman planong buksan ang ruta sa pagitan ng Malabon at Divisoria.

Ayon sa Department of Transportation, nasa 30 units ng public utility buses ang idedeploy sa may ruta ng FTI-Divisoria at nasa 25 public utility bus naman sa may Alabang (Starmall) patungo sa Divisoria.

Nasa limang units ng modern public utility jeepneys naman ang papayagang mag-operate sa may ruta ng Malabon-Divisoria.

Ayon sa DOTr, ang mga sasakyan ay dapat na mayroong special permit na may bisa sa loob ng isang taon at maaaring i-renew kada taon o hanggang ganap nang maging bukas sa publiko ang operasyon ng North-South Commuter Railway na isang proyekto na dahilan ng pansamantalang pagkaantala ng operasyon ng PNR simula sa Hulyo 2.

Ang North South Commuter Railway ay magbibigay naman ng mas mabilis na ruta para sa mga magtutungo sa Clark airport mula sa Malolos, Bulacan at sa Calamba, Laguna mula sa Blumentritt sa Maynila.