Reading Time: 1 minute
kabayan

Kasabay ng pagpasok ng “ber” months, ganap na ring naging bagyo ang binabantayang low pressure area sa silangan ng Surigao del Sur at tinawag itong si “Liwayway.”

Pumasok ang panibagong bagyo sa bansa, ilang oras lamang matapos lumabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang tropical depression Kabayan kaninang alas-6:00 ng umaga.

Ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), huling namataan ang bagyong Liwayway sa layong 405 kilometers sa silangan-timogsilangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, o nasa 510 kilometro sa silangan ng Maasin City, Southern Leyte.

Taglay nito ang hangin sa lakas na 45 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna, at bugsong aabot sa 55 kph.

Kumikilos ang tropical depression Liwayway pa-hilagang kanluran sa bilis na 20 kph.

Kaugnay nito, asahan ang mga kalat-kalat na pag-ulan na posibleng mahina at lalakas partikular sa Caraga at Davao region.

Gayunman, maliit lamang ang tiyansa na mag-landfall o direktang tumama sa bansa ang bagyong Liwayway.

Sa pagtaya ng PAGASA, lalabas ng PAR ang bagong bagyo sa darating na Huwebes.