Ibinulgar ng Malacañang ang ilang grupo at personalidad na umano’y nasa likod ng Bikoy video para siraan ang Duterte administration.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kabilang sa mga nagsasabwatan sa black propaganda laban sa Duterte administration ang Liberal Party (LP), Dilawan, Magdalo, at ilang media personalities.

Ayon kay Sec. Panelo, maliban sa pagsira sa administrasyon, layunin din ng propaganda na isulong ang kandidatura ng mga senatorial candidates ng Otso Diretso.

Dito naglabas ng diagram si Sec. Panelo kasama si Communications Sec. Martin Andanar kaugnay sa mga grupo at personalidad na nagsasabwatan laban sa administrasyon.

Kabilang sa mga pangalang lumabas sa diagram ay sina Sen. Antonio Trillanes III, publisher na si Ellen Tordesillas, dating Presidential Spokesman Edwin Lacierda, Cocoy Dayao, Communist Party of the Philippines-New People’s Army founding Chairman Joma Sison, Bong Banal, Arman Potejos at si Rodel Jayme na una nang naaresto ng National Bureau of Investigation.

Ang nasabing impormasyon natanggap daw mismo ng Office of the President at dumaan sa beripikasyon.

Inamin naman ni Sec. Panelo na wala silang impormasyon na may military component o suporta ng militar sa conspiracy laban sa Duterte administration.

Sa ngayon, wala rin daw balak ang Malacañang na sampahan ng kaso ang mga idinadawit na personalidad.

Bahala na raw dito si Justice Sec. Meynardo Guevarra na magdetermina kung nararapat silang kasuhan.