Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nakarating na sa Chinese government ang ulat kaugnay sa pagbangga sa Filipino fishing boat sa may Recto Bank, gabi noong June 9, 2019.

Sinasabing hindi man lamang tinulungan ang 22 Pinoy na mangingisda matapos lumubog ang barko nito.

Sa panayam kay Lorenzana kaniyang sinabi na iniimbestigahan na ito ngayon ng Chinese government para mabatid kung Chinese vessel nga ang nakabangga at hindi man lamang tinulungan ang mga Pinoy na mangingisda.

Sa panig naman ng Defense department magsasagawa ito ng malalalimang imbestigasyon hinggil sa insidente.

Layon nito matukoy kung sino ang bumangga at bakit hindi man lamang tinulungan ang mga Pinoy na mangingisda.

Nilinaw din ng kalihim na ang report na Chinese fishing vessel ang bumangga sa barkong pangisda ng mga Pinoy ay galing mismo sa mga survivors.