lomachenko
Ukrainian champion Vasyl Lomachenko

Interesado umano si Ukrainian champion Vasyl Lomachenko na sunod na makatunggali si WBC lightweight champion Mikey Garcia.

Ayon kay Lomachenko, na siyang may hawak ng WBA at WBO lightweight belts, nais daw nitong ma-unify ang lahat ng mga titulo.

“I want a fight with Mikey Garcia but we’ll see, I don’t know,” wika ni Lomachenko. “I [will] stay at 135 longer, it’s possible. I want to unify all titles.”

Nitong Sabado nang mapanatili ni Lomachenko ang kanyang mga titulo nang patumbahin nito ang British boxer na si Anthony Crolla sa fourth round.

Kumonekta ng mapaminsalang right hook ang two-time Olympic gold medalist sa sentido ng Briton upang mapadapa nito ang kalaban sa 58 segundong marka ng nasabing yugto.

Dahil dito, gumanda sa 13-1 ang record ng 31-year-old pound for pound king, tampok ang 10 knockouts.