Reading Time: 1 minute

TUGUEGARAO CITY – Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang lolo sa Cagayan matapos ireklamo ng panggagahasa ng menor de edad kapalit ng limang piso.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni police Maj. Rodel Ballod, hepe ng Abulug Municipal-Philippine National Police, na sumugod sa kanilang tanggapan ang ina ng 12-anyos na biktima matapos umanong abusuhin ng 60-anyos na suspek.

Batay sa salaysay ng menor de edad, dinala siya sa palikuran ng salarin habang nag-iigib ng tubig at binigyan siya ng limang piso.

Ayon sa biktima, binantaan siya ng suspek kaya hindi ito agad nakapagsumbong pero umamin din tungkol sa natanggap na barya.

Sinabi rin nito na dati na siyang hinalay ng suspek.

Sa ngayon, nasampahan na raw ng mga kasong rape ang matanda, habang sasailalim sa counseling ang biktima.