DAVAO CITY- Imbes na maging masaya sa pagdating ng bagong taon, nagluluksa ngayon ang pamilya ng isang senior citizen matapos na binawian ng buhay dahil sa pagkalunod nito habang naliligo sa dagat.

Ang biktima ay kinilalang si George Pandili, 60-anyos.

Nababatid na nalunod umano si Pandili matapos itong hinampas ng malalaking alon.

Ayon naman sa asawa ng biktima na si Alejandrina, sinabi umano ng kanyang asawa na sasama ito sa kanyang pamangkin para maligo sa dagat.

Subalit hindi na ito nakabalik pa ng buhay matapos na nakita na lamang ang katawan nito sa Purok 6, Barangay Ilang sa syudad ng Davao matapos ang halos dalawang oras na paghahanap.

Base sa imbestigasyon ng kapulisan, walang nakitang foul play sa nangyaring insidente ngunit ayon kay Police Major Noel Villahermosa, nakainom umano ang biktima ng alak bago pa ito naligo sa dagat.