CAUAYAN CITY- Nagsasagawa na ng pagsisiyasat ang mga kasapi ng Luna Police Station upang matukoy ang tsuper ng sasakyang naka-hit and run sa maglola sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Brgy. Harana, Luna, Isabela.

Namatay sa nasabing aksidente si Josie Manzanillo, 59 anyos habang nasugatan naman si Rey Anne Manzanillo,6 anyos at kapwa residente ng Harana, Luna, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumabas sa pagsisiyasat ng Luna Police Station na papatawid sana sa pambansang lansangan ang mag-lola nang mabangga ng isang itim na toyota fortuner na bumabagtas sa nasabing lansangan patungong Cauayan City.

Matapos ang pangyayari ay agad umanong tumakas ang tsuper ng nakabanggang sasakyan habang ang mga sugatang biktima ay dinala naman sa ospital para malapatan ng lunas.

Namatay ang biktimang lola habang nilalapatan ng lunas.

Ayon sa mga nakakita sa insidente may plaka umanong AAS 9156 ang toyota fortuner na nakabangga sa mga biktima.