Hinikayat ng lokal na pamahalaan ng Taguig City ang mga residente nito na protektahan ang mga senior citizens mula sa coronavirus disease (COVID-19).

Ito’y matapos magpositibo mula sa deadly virus ang dalawang sexagenarians o mga indibidwal na may edad 60-69 na naninirahan sa naturang lungsod.

Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, taga-Barangay Ibayo Tipas ang 66-anyos na lalaki at kasalukuyang naka-admit sa Taguig-Pateros District Hospital.

Nakuha umano ng pasyente ang sakit habang nagbabantay ng mga UV Exoress units sa isang terminal sa Pasig City.

Ang isa pang COVID-19 cases ay 69-anyos na lalaki mula sa Barangay Pinagsama. Nakuha naman nito ang deadly virus habang inaalagaan ang kaniyang asawa na naka-confine sa St. Luke’s Hospital dahil sa sakit na diabetes.

Nagpaalala naman ang alkalde sa kaniyang mga nasasakupan na palaging sumunod sa mga umiiral na health protocols lalo na at nalalapit na ang holiday season.

Sa ngayon ay mayroon ng 9,890 ang kabuuang kaso ng COVID-19 case sa Taguig, kung saan 109 na ang namatay at 9,739 naman ang gumaling.