Nilinaw ngayon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na wala pang basehan para i-lockdown ang Barangay Kamuning dahil sa bagong variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Una rito, inamin ng alkalde na taga Barangay Kamuning ang nag-positibo sa bagong variant ng covid na dumating sa bansa.

Aniya, ang naturang nagpositibo sa bagong variant ng virus ay hindi naman umuwi sa kanilang bahay at agad idiniretso sa isolation facility.

Dahil dito, wala pa raw sapat na basehan para isara ang naturang barangay.

Kagabi nang kumpirmahin ng Department of Health (DoH) na nakapasok na sa bansa ang bagong variant ng covid.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, dumating sa Pilipinas ang pasyente na may UK variant noong Enero 7.

Nanggaling ito sa Dubai kasama ang kanyang nobya, na lumabas na negatibo sa coronavirus.

Sa kabila nito, isinailalim pa rin sa mahigpit na quarantine at monitoring ang partner ng pasyente.