Reading Time: 1 minute

Kumbensido si AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na nagkaroon ng sabwatan ang mga alkalde, police officers, at matataas na opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagbulsa ng remittance mula sa operasyon ng small town lottery (STL).

Ayon kay Garbin, hindi malayong totoo ang alegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya iniutos nito kamakailan ang pagpapatigil sa lahat ng gaming operations ng PCSO dahil sa issue ng korapsyon.

Sa halip aniya na mapunta sa gobyerno para gamitin sa mga programa ng PCSO, sinabi ni Garbin na nakikipagsabwatan ang ilang mga opisyal ng pamahalaan para maibulsa ang kita mula sa STL.

Samantala, nagpapasalamat naman din ang kongresista sa Punong Ehekutibo matapos nitong bawiin ang suspension order sa operasyon ng Lotto gayong hindi naman aniya dito ang problema kundi sa STL na ginagamit bilang front sa jueteng.