CENTRAL MINDANAO- Patay ang isang sundalo at sugatan ang isang mekaniko sa pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Staff Sergeant (SSgt) Bien Zamora Mendoza, 42 anyos, may asawa, nakatalaga sa 61st Reconnaissance Company ng 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army at residente Barangay Cabaruyan Libungan North Cotabato.

Sugatan naman si Abohair Royod Kusain, 38 anyos, may-asawa, motorcycle mechanic at nakatira sa Brgy Simuay Sultan Kudarat Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na habang lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo mula sa 6th ID Headquarters pauwi na sa kanyang tahanan ngunit pagsapit nito sa Brgy Crossing Simuay Sultan Kudarat Maguindanao ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Sultan Kudarat.

Patay on the spot ang biktima nang tamaan ng bala sa kanyang ulo at likod.

Nagtamo naman ng sugat sa paa ang mekaniko nang tamaan ng mga ligaw na bala.

Grupo ng Liquidation Squad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong suspek sa pamamaril patay sa biktima.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Maguindanao PNP sa naturang pangyayari.