Kumamada si Damian Lillard ng 15 points sa kabuuang 24 points sa third quarter lamang habang nalimitahan ng Portland Trail Blazers si Russell Westbrook para idispatsa ang Oklahoma City Thunder, 111-98.

Hawak na ngayon ng Blazers ang 3-1 lead sa NBA first round playoffs at isang panalo na lang ang kailangan upang umusad din sila sa second round ng Western Conference.

Bago ang Game 4 nitong araw, ang All-Star point guard na si Lillard ay nagtala rin ng 25 points sa third quarter lamang sa nakalipas na Game 3 bagamat tinalo sila ng Thunder.

Pero sa pagkakataong ito bumawi ang Blazers at nagawa pang pigilan ang dating MVP na si Russell Westbrook na walang puntos sa second half.

Inalat ng husto si Westbrook na nagtapos lamang sa 14 points kung saan meron siyang nakakadismayang 5-for-21 shooting.

-- Advertisement --

Todo naman ang pagmamalaki ni Portland coach Terry Stotts kay Lillard.

“He’s an ultimate competitor. He is going to give it his all.”

Nag-ambag din sa kampanya ng Portland sina C.J. McCollum na nagpakawala ng 27 points, Al-Fxarouq Aminu na nagbuslo ng 19 points at nine rebounds at si Maurice Harkless ay hindi rin nagpahuli sa kanyang 15 points at 10 rebounds.

Pilit namang ibinangon ni Paul George ang Thunder gamit ang kanyang 32 points at 10 rebounds pero hindi pa ito sapat.

Posibleng tapusin na ng Portland ang serye sa Miyerkules sa kanilang teritoryo.