Inihain ngayon sa Supreme Court (SC) ng iba’t ibang bishops at clergy, religious at lay church leaders ng mga miyembro na tinatawag na “United in One Voice” ang ika-18 petisyon laban sa Anti Terrorism Law.
Pinangunahan ni Manila Bishop Broserick Pabillo at Gerardo Alminaza; Episcopalian Bishop Rex Reyes, Jr., United Church of Christ of the Philippines (UCCP) Bishop Emergencio Padillio at National Council of Churches in the Philippines (NCCP) General Secretary Bishop Reuel Marigza ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema.
Naghain ang mga ito ng petition for certiorari and prohibition.
Bago naman ihain ang kanilang petisyon ay nagsagawa ng vigil ang mga grupo sa harap ng Korte Suprema upang igiit ang pagbasura sa Anti-Terrorism Law.
Bitbit nila ang mga banner kung saan nakasaad ang “Junk Terror Law.”
Anila, ang naturang batas ay nakakabahala at banta sa mga taga-simbahan at iba pang mga tao sa bansa.
Una rito, naghain ng ika-17 petisyon laban sa Anti-Terrorism Law ang Alternative Law Groups (ALG), na isang koalisyon ng 18 legal resource non government organizations (NGOs).
Hiling nila sa Korte Suprema na ideklarang “null and void” ang naturang batas.
Labag daw kasi ang batas sa rights to due process, privacy, freedom of speech at iba pa.