Reading Time: 1 minute

LEGAZPI CITY — Binawian ng buhay ang itinuturing na lider ng isang criminal gang sa nangyaring engkwentro sa Sitio Mapili, Rangas, Juban, Sorsogon.

Kinilala ang suspek na si Ralph Deri, na tinaguriang lider ng Deri Criminal Gang.

Batay sa impormasyon mula kay Maj. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, nagsasagawa ng surveillance operation ang mga pulis nang matiyempuhan si Deri na nagresulta sa palitan ng putok bandang alas-11:30 ng Lunes ng umaga.

Agad na namatay ang suspek matapos magtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Sorsogon Police Intelligence Branch, Regional Intelligence Division, Juban Municipal Police at 2nd Sorsogon Provincial Mobile Force Batallion.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang follow-up investigation sa insidente.