-- Advertisements --

Para kay House Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar Representative Paul Daza na napapanahon nang repasuhin ang “licensure examinations” sa ating bansa.

Ang pahayag ni Daza ay kasunod ng pagsusulong ni Health Sec. Teodoro Herbosa na bigyan ng “temporary license” ang nursing graduates na may markang 70 hanggang 74% sa board exams, para makapag-trabaho sa mga ospital ng gobyerno.

Sinabi ng Daza, panahon na rin na tanggalin ang mga hadlang sa “employment” o pagpasok sa trabaho ng ating mga kababayan; at isa umano rito ang ilang isyu ukol sa board exams.

Sa ngayon kasi, malaki ang kakulangan sa medical professionals sa Pilipinas partikular ang mga nurse dahil marami sa nursing graduates ay bumabagsak sa licensure exam ng Professional Regulation Commission o PRC.

” Ibig sabihin po, kalahati po ng ating mga examinees sa maraming propesyon ay bumabagsak. The Professional Regulation Commission (PRC) needs to relax the rules,” pahayag ni Cong. Daza.

Inihalimbawa din ng mambabatas na noong 2017 hanggang 2022, ang passing rate sa licensure exams ng 36 professions ay aabot lamang sa 52.58%, o kalahati ng bilang ng examinees.

Binigyang-diin ni Daza na tama si Sec. Herbosa na kailangan ng PRC na rebyuhin ang ilang patakaran, subalit kailangan pa rin ng “long-term solutions” at hindi “stop-gap measures” lamang.

Nakikipag-ugnayan na ang Kamara sa PRC, na “very receptive” o bukas sa mga ideya.

Kabilang sa mga suhestyon ay ang “modular approach” kung saan ang bigong makapasa sa licensure exam ay hindi na uulit sa ilang subjects na nakapasa naman ito.

Maaari din aniya, pag-aralan ang sistema sa Amerika at Australia, kaugnay sa licensure exams.

” It’s time to break all barriers. We already have the law on free tertiary education. It’s still problematic in certain aspects but its good start. What we need to work on as well is ensuring that our graduates will not join the unemployed after graduation,” pahayag ni Rep. Daza.