Magbibigay ng libreng sakay ang tatlong railway services sa Metro Manila sa mga pasahero sa ilang piling oras kasabay ng pagdiriwang ng araw ng kalayaan sa araw ng Lunes, Hunyo 12.
Makakasakay ng libre ang mga pasahero sa Light Rail Transit (LRT-1) at 2 at Metro Rail Transit (MRT-3) mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at sa hapon naman mula 5pm hanggang 7pm.
Ang naturang inasyatibo na libreng sakay ay taunang aktibidad ng mga rail lines at ng Department of Transportation sa pagdiriwang ng araw ng kalayaan ng ating bansa.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang mga beep card holders ay maaaring dumaan sa nakagawiang automated Fare Collection System gates at i-tap ang kanilang cards para ma-avail ang libreng sakay.
Habang ang mga pasahero namang walang beep card ay maaaring kumuha ng single journey tickets nang libre mula sa LRT-1 teller booths.
Inanunsiyo din ng LRT-1 na magkakaroon ng adjustment sa kanilang holiday operating hours kung saan ang unang biyahe ay aalis mula Baclaran at Roosevelt stations sa oras na 4:30 am at ang last trip naman ay 9:30 pm para sa Baclaran station at 9:45 pm naman para sa Roosevelt station.